MAGANDANG BALITA! RILES NA GAGAMITIN SA REHABILITASYON NG MRT TRACKS NAILIPAT NA SA TRACKS LAYDOWN YARD

Published by Merrowen Mendoza 2 months ago under Announcements.

NAILIPAT na sa Tracks Laydown Yard sa Parañaque City ang unang batch ng bagong riles alas-11 ng gabi, ika-01 ng Agosto 2019.

Ang unang truck na may kargang 27 piraso ng riles ay ibiniyahe mula Harbour Port Center sa Maynila bandang alas-9:30 ng gabi. Sinundan agad ito ng dalawa pang truck na may karga ring 27 piraso ng riles bawat isa.

Target ng ahensyang matapos ang paglilipat ng mga riles mula Harbour Port sa Maynila patungo sa Laydown Area sa loob nang 20 hanggang 40 araw.

Sa kabuuan, 81 piraso mula sa kabuuang bilang na 4,053 piraso ng tig-18 metrong haba na riles ang nadiskarga na sa Tracks Laydown Yard.

Nakatakdang ilatag ang mga riles sa Taft Avenue Welding Area simula sa darating na Nobyembre para sa rail replacement sa Taft Avenue Station sa parehong buwan.

Inaasahang pagsapit ng Pebrero 2021 ay makukumpleto na ang pagpapalit ng riles sa buong linya ng MRT-3.

Oras na mapalitan ang mga riles ay maiiwasan na ang pagkakatagtag ng mga bagon sa biyahe, na isa sa mga pangunahing sanhi ng mga problema o aberya sa operasyon.

Kaunting pasensya na lamang po, at maisasakatuparan na rin natin ang ating pangakong maibalik sa dating kalidad ang MRT-3.